CEBU CITY — Dobleng kaso ang kakaharapin ng isang 46-anyos na ama makaraang gawing drug-runner ang sariling 12-anyos na anak na lalaki na nasakote sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Lorega-San Miguel, Cebu City, Cebu.
Pormal na kinasuhan ang suspek na si Nestor Tejas, samantalang nasa custody ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang anak nitong lalaki na kapwa naninirahan sa Sitio Camanse ng nabanggit na barangay. Ayon kay P/Supt. Rex Derilo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-7, isinagawa ang buy-bust kung saan umorder sila ng 50 gramo ng shabu mula kay Tejas matapos na makatanggap ng ulat na nagtutulak ito ng shabu sa nasabing barangay. Ngunit, ang nakapagpaalarma ng pulisya ay sinasabing ang anak nitong 12-anyos ang ginagamit bilang tagapagbitbit ng droga dahil na rin sa proteksyon ng kabataan base sa nakasaad sa Juvenile Justice Act. Tumayong poseur buyer si SPO2 Delfin Bontuyan sa buy-bust operation kaya nasakote ang mag-ama na nakumpiskahan ng mark money at ilang pirasong sachet ng shabu. Edwin Ian Melecio