JI hideout ni-raid, bomba nasamsam
Sinalakay ng mga awtoridad ang itinuturing na hideout ng mga teroristang Jemaah Islamiyah kung saan nakatakas ang pangunahing target sa isinagawang operasyon sa Barangay Poblacion 3, Alaminos, Laguna noong Martes ng gabi.
Iprinisinta sa mga mamamahayag nina PNP chief Director General Avelino Razon Jr., Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Raul Castañeda ang mga sangkap na pampasabog na nakumpiska sa raid.
Ayon kay P/Senior Supt. Felipe Rojas Jr., Laguna police director, ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Cesar Mangrobang ng Imus Regional Trial Court kung saan isang tipster ang nagturo sa safehouse ng JI sa Al Emam Compound.
Tugis na ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Laguna police ang pangunahing suspek na si Khalid Pagayao na hindi pa naman malinaw kung ito ay miyembro ng Jemaah Islamiyah na responsable sa mga pagpapasabog sa iba’t ibang bahagi ng mundo at nagpaplanong pasabugin ang ilang embahada partikular na ang US Embassy sa Metro Manila.
Bagamat wala ang suspek sa bahay nito, nasamsam naman ang 550 pirasong improvised blasting caps, mga Tetryl compound, 2 piraso ng detonating cord at 25-piraso ng time fuse.
Ayon kay Razon, patunay lamang na hindi iniimbento ng mga awtoridad ang balitang naglabasan sa iba’t ibang pahayagan kaugnay sa bina balak na paghahasik ng terorismo ng JI sa Metro Manila.
- Latest
- Trending