BATANGAS CITY, Batangas – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 66-anyos na Koreana bago iniwan sa madamong bahaging sakop ng Barangay San Mariano sa bayan ng San Pascual, Batangas kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. David Quimio, Batangas police director, ang biktimang si Young Ja-Park ng Seoul, Korea at dumating sa bansa bilang turista.
Ayon sa ulat, lumilitaw na ka sama ng biktima ang kanyang anak na si Jeongong Wonseo sa pamamasyal sa Shangrila Makati noong Huwebes ng Abril 3 nang sandaling maghiwalay muna at nagkasundong magkita sa tinutuluyan nilang Emerald Condominium sa Ortigas, San Juan.
Napag-alamang nabahala ang anak nang hindi na nakabalik ang ina nito sa kanilang condo unit na nagbunsod para humingi ng tulong sa Korean Embassy
Sa imbestigasyon, natagpuan ang bangkay ng biktima sa nabanggit na barangay na may mga tama ng bala ng baril sa ulo.
Batay sa salaysay ng mga residente, may narinig silang dalawang putok ng baril bago may sumibad na isang kulay puting van patungo sa ‘di-malamang direksyon.
Narekober mula sa biktima ang handbag na may P51,700 at nabatid din na nag-papalit pa ng Korean money sa peso na P200,000 ang biktima bago ito pinaslang.
May teorya ang mga awtoridad na sindikato ng mga Koreano ang posibleng pumatay sa biktima habang patuloy pa rin ang imbestigasyon. (Arnell Ozaeta)