Tatlo-katao kabilang ang dalawang sundalo ng Phil. Army ang iniulat na nasawi habang pitong iba pa ang nasugatan makaraang magsagupa ang tropa ng militar at mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahaging sakop ng Barangay Bulan-Bulan sa bayan ng San Remegio, Antique noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang mga sundalong napatay na sina Corporal Francis Sevilla at Pfc. Joel Intas, habang inaalam naman ang pagkikilanlan ng amasonang napatay. Samantala, lima sa mga rebelde ay nasugatan at maging sina Pfc Arthur Azarcon, 23; at Pfc Rodolfo Domopoy na ngayon ay nasa Ramon Masa Memorial Hospital.
Sa phone interview kay Lt. Gen. Victor Ibrado, pabalik na sa kampo ang tropa ng 31st Division Reconnaissance Company ng 3rd Infantry Division (ID) na tumayong security convoy ni San Remegio Mayor Elizabeth Coloso sa inagurasyon ng bagong gusali ng Algera Elementary School nang may sumabog na landmine matapos na maihatid sa kaniyang bahay ang nasabing alkalde.
Kasunod nito ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa mga nakaantabay na rebelde na nagtatago sa damuhan sa gilid ng highway.
Sa kabila naman ng sorpresang pag-atake ay hindi nasiraan ng loob ang mga sundalo na nakipagpalitan ng putok sa mga rebelde hanggang sa mapatay ang dalawang sundalo at isang amasonang rebelde. Joy Cantos