Sinibak sa puwesto ang provincial manager ng National Food Authority sa Cotabato na pinaniniwalaang sangkot sa iligal na pagpapalabas ng 20 libong sako ng bigas sa isa nilang bodega.
Epektibong tinanggal sa tungkulin noong Biyernes si Anthony Mariano Bernad habang isinasailalim pa ito sa imbestigasyon kaugnay sa pagpapalabas ng 21,000 sako ng bigas sa kanilang NFA warehouse sa North Cotabato mula Marso 6 hanggang 18.
Sa ulat ni Central Mindanao NFA regional director Rogelio Macutay, nagkaroon ng matinding demoralisyon ang mga kawani matapos na iulat ng Grain Retailers Confederation (Grecon) ang iligal ni Bernad nang hiramin ang kanilang passbooks para mailabas ang mga stock na bigas.
Itinanggi naman ng Grecon na natanggap nila ang mga sako ng bigas. May posibilidad na napunta ang mga sako ng bigas sa mga retailer na hindi akredito ng NFA. (Danilo Garcia)