Isang estudyante sa high school ang namatay nang mabinat sa parusang ipinataw sa kanya ng isa niyang guro sa General Santos City, ayon sa ulat kahapon.
Ang biktima ay kinilalang si Jovan Pasaol, second year sa Lagao National High School sa lungsod habang ang inirereklamo namang guro ay nakilalang si Leonardo Awayan.
Batay sa ulat, matapos parusahan ng ‘corporal punishment’ ni Awayan si Pasaol ay bigla itong nanghina, kinapos ng hininga at nawalan ng malay tao.
Hinihinalang, dahil sa pagkabigo ni Pasaol na makapagsumite ng assignment, pinag-“jogging” siya ni Awayan hanggang sa mabinat ito.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan si Pasaol pero nabigo ang mga duktor na maisalba ang kanyang buhay.
Ayon sa mga magulang ni Pasaol, kalalabas lamang ng kanilang anak mula sa isang pagamutan dahil sa sakit nitong typhoid sepsis at pinaalalahanan ng mga doktor na hindi ito maaring mapuyat o ma-stress dahilan makasasama sa kaniyang kalusugan.
Iginiit pa ng magulang nito na idedemanda nila ang guro dahil maling parusa ang ginawa nito sa kanilang anak na naging mitsa ng kamatayan ng binatilyo.
Kabilang umano sa ‘corporal punishment’ na ipinapataw ng nasabing guro sa kaniyang mga estudyanteng hindi nakakatugon sa kanilang mga proyekto ay ang pagpapa-jumping nang ilang oras, pagjo-jogging ng ilang ikot sa palibot ng paaralan at iba pa.
Pinaniniwalaan namang hindi nakayanan ng nasabing estudyante ang naturang parusa kaya nabinat ito na siya niyang ikinamatay. Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.