Tahasang kinondena ng mga kaparian sa Cavite at ng Mayors’ League ang paglalagay ni Atong Ang ng Small Town Lottery (STL) na anila’y hindi makatutulong sa kabuhayan ng mga mahihirap kundi makasisira sa moralidad ng mamamayan sa nasabing lalawigan.
Sinabi ni Bishop Antonio Tagle na sa STL na sinasabing “pansugpo ng jueteng” ay lalo lamang malululong ang mamamayan sa sugal. “We cannot condone a culture of gambling,” anang Obis po.
Ayon naman kay Mayor Roy Layola ng Cavite Mayors’ League, nagpoprotesta ang liga laban sa STL, at nanawagan na dapat ay muling isalang si Atong Ang sa Senado dahil ipinapakita nito na mukhang hindi pa siya lubos na na-rehabilitate ng penal system.
“Hindi na nagbago si Atong Ang,” pahayag ni Layola, “alam naman ng lahat na front lamang ng jueteng ang STL operation.
Nanawagan din ang mga alkalde kay Cavite Gov. Ayong Maliksi na ibasura ang permiso at lisensya ng kumpanya ni Atong Ang na ipinagmamalaki umano ng mga tao nito na malakas na ulit ang kanilang amo sa Malacañang.
Napag-alaman aabot sa P1.5 milyon kada araw ang koleksyon sa jueteng sa buong Cavite na pinaniniwalaang protektado ng mga opisyal ng pulisya na nakabase sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus.
Nabuking din na kahit hindi pa nakakabayad ng P10 milyon na bond si Atong ay binigyan na ito ng prangkisa ng PCSO na pinaniniwalaang ginamit na tulay ang isang nagngangalang Dodi Sabella Quiñones. (Mhar Basco)