RIZAL – Umiiral pa rin ang kaguluhan sa bayan ng Rodriguez makaraang magkulong sa munisipyo si suspended Rodriguez Mayor Pedro Cuerpo isang araw mula nang pasukin niya ito kasama ang kanyang mga supporter.
Dahil sa kaguluhan ay ipinasya naman ni acting Rodriguez Mayor Jonas Cruz na itigil muna ang lahat ng transaksyon sa munisipyo upang maiwasan ang mas malalang situwasyon dahil patuloy pa rin ang ginagawang pagbabarikada ng mga supporter ng dating alkalde sa labas ng tanggapan.
Nabatid na dalawa sa mga kawani ng munisipyo ang malubhang nasugatan matapos mabaril ng dalawa sa apat na alalay ni Cuerpo gayon pa man, naaresto ng pulisya ang apat na tauhan ni Cuerpo at makumpiskahan pa ng dalawang ba ril.
Hindi rin makakilos ang pulisya para pasukin ang tanggapang pinagkulungan ni Cuerpo dahil sa posibleng maging madugo ito kapag nanlaban ang mga supporter nito.
Nauna ng sinibak ni P/Senior Supt. Ireneo Dordas, ang hepe ng Rodriguez police na si P/Supt. Emmanuel Bautista dahil sa hindi nito pagkontrol ng kaguluhan noong Lunes.
Si Cuerpo ay binigyan ng 60 days suspension ng Rizal Provincial Government dahil sa iligal nitong pangungulekta ng bayad sa mga drayber ng trak ng basura na dumaraan sa kanyang nasasakupang bayan. (Edwin Balasa)