CEBU — Isang Koreano na nag-aaral ng English sa Cebu City, ang napaulat na nasawi makaraang mabagsakan ng isa pang Koreano na sumablay sa paglundag mula sa tuktok ng First Kawasan falls sa bamboo raft na sinasakyan ng dalawang iba pang Koreano noong Biyernes Santo ng hapon.
Binawian ng buhay sa Saint Peter Hospital sa Alegria ang biktimang si Lim Sang Guen, 24, matapos mabagsakan ni Ryu Ho-Jun, 25 na ngayon ay naka-confine sa isa ring pribadong ospital sa Cebu City.
Ginagamot naman sa pribadong ospital ang mga kaklase ni Lim na sina Leon Chang Sun, 22; at Chun Seong Ah, 24, dahil sa nagkabali-baling buto sa katawan.
Si Ryu ay nag-aaral ng English sa Cebu City gayundin ang tatlong biktima subalit hindi magkakilala at nagkataon lamang na nagkasabay sa paliligo sa nasabing popular na bakasyonan sa Barangay Matotinao sa bayan ng Badian, Cebu.
Ayon kay PO3 Jeremias Elardo ng himpilan ng pulisya sa Badian, si Ryu ay may mga kasamahan pang Koreanong kaklase na nagtatampisaw sa tubig ng mga oras ding iyun habang ang grupo naman ng tatlong Koreano ay nakasakay sa isang bamboo raft patungo sana sa mismong falls.
Subalit hindi inakala ng tatlo na maliban sa tubig na babagsak sa kanila ay kasama si Ryu.
Ayon kay Police Regional Office-7 director, Chief Supt. Ronald Roderos nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and physical injuries si Ryu.
Nabatid na ang mga Koreano ay nangungunang turista ng Cebu taun-taon kaya naman ang pulisya ay nagtalaga na ng mga tourist cops sa rehiyon at pinag-aaral ang mga ito ng Korean language. (Edwin Ian Melecio)