BATANGAS — Apat na miyembro ng isang pamilya kabilang na ang 8-buwang gulang na bata ang kumpirmadong namatay makaraang maaksidente ang sinasakyan nilang kotse sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) tollway sa Lipa City, Batangas noong gabi ng Sabado de Gloria.
Kinilala ni Ferdinand Simbre, manager ng Traffic Safety and Security Department ng STAR Tollway, Inc. ang mga nasawing biktima na sina Jovel, 21; Nelly, 65; Ediza, 38 at ang anak nitong si Sam Dominic, na may mga apelyidong Magpantay at pawang mga residente ng Barangay 2-A, Mataas na Kahoy, Batangas.
Sugatan naman si Samuel Magpantay, 40; at ang kasambahay na si Mary Grace Reansares, 20, na kapwa nasa N.L Villa Hospital at Mary Mediatrix Hospital.
Ayon sa ulat, lumilitaw na nagbakasyon ang pamilya Magpantay sa Tagaytay City noong Semana Santa at papauwi na ng maaksidente sa southbound lane ng KM 80 sa STAR tollway sa pagitan ng Barangay Tibig at Barangay Tambo bandang alas-6:15 ng gabi.
Sa salaysay ng drayber ng Toyota Corolla (XJC-308) na si Samuel Magpantay, binabagtas nila ang highway ng Star tollway nang biglang kumabig ang manibela ng kotse papuntang center island hanggang sa mawalan ito ng control saka bumaliktad at magpaikut-ikot ng ilang beses.
Napag-alamang namatay kaagad si Jovel sanhi ng mga sugat sa kanyang ulo at katawan, samantalang nasawi naman habang ginagamot sa ospital sina Nelly, Ediza at ang sanggol na si Sam Dominic.