KIDAPAWAN CITY — Kalaboso ang binagsakan ng tatlong kalalakihan kabilang ang isang alagad ng batas makaraang arestuhin ng pulisya sa kasong pagnanakaw ng mga kambing sa bahagi ng Tacurong City, Sultan Kudarat kamakalawa.
Pormal naman kinasuhan ang mga suspek na sina PO1 Jairo Reyes Bernan na naka-assign sa Lutayan PNP sa Sultan Kudarat; Wilson Bernan Manalindo, 37 at isang 12-anyos na batang lalaki at pawang taga-Purok Santan, Barangay Poblacion sa bayan ng President Quirino.
Ayon sa ulat, si PO1 Bernan na anak ng ex-Comelec official sa isang bayan sa Sultan Kudarat ay sinasabing nasa likod ng pagnanakaw ng mga alagang kambing na pag-aari ni PO2 Teody Centina na naka-assign sa 1207th Police Provincial Mobile Group noong Huwebes sa Purok Riverside, Barangay D’ Ledesma, Tacurong City.
Sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa pangunguna ni Pfc. Leonido Lubrido ng 38th Infantry Battalion ng Army. Naaresto ang tatlo habang sakay ng motorsiklo at narekober ang mga ninakaw na kambing. (Malu Manar)