2 pulis isinangkot sa holdapan
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Dalawang pulis-Jaen na isinasangkot sa panghoholdap sa isang negosyante noong Lunes ng Marso 11 sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Cabanatuan City, Nueva Ecija ang isinailalim sa preventive suspension.
Positibong kinilala ng biktimang si Benito dela Cruz, 52, ng Barangay 127 Lourdes sa bayan ng Sta. Rosa, Nueva City, ang mga suspek na sina SPO1 Francisco Catabas at PO3 Edgar de Guzman.
Sa isinumiteng ulat ni P/Supt. Eliseo Cruz, kay P/Senior Supt. Napoleon C. Taas, provincial police director, ang mga suspek ay kabilang sa apat na kalalakihang nangholdap sa biktima ng P.5 milyon.
Nabatid sa ulat na ang mga suspek ay unang kinasuhan ng robbery with frustrated homicide, kasama ang dalawang iba pa dahil sa pagnanakaw at pagtangkang pagpatay sa isang Hapones na si Shigeru Tanoue sa hotel room ng King Jr. Court sa Kapitan Pepe Subdivision, noong Hunyo 19, 2006.
Subalit na-dismiss ang kaso matapos na hindi dumalo si Tanoue sa mga pagdinig sa korte at nawalan ng interest na ipagpatuloy ang kaso.
Napag-alaman din na si Catabas ay isa rin sa apat na nang-holdap kay Cynthia Daylin ng P450,000 noong Enero 10 sa Barangay Barrera subalit ang biktima ay hindi na nagbalik sa istasyon ng pulis pagkatapos na ipagharap ng reklamo si Catabas. (Christian Ryan Sta. Ana)
- Latest
- Trending