NUEVA ECIJA – Apat na sibilyan kabilang na ang apat na bata ang iniulat na nasawi makaraang sumabog ang traysikel na kanilang sinasakyan sa Barangay Sta. Clara, Quezon, Nueva Ecija noong Sabado ng umaga.
Sa ulat ni P/Senior Insp. Eduardo Pajarillo kay P/Senior Supt. Napoleon C. Taas, halos malasog ang mga biktimang sina Philip Penliar, 20, traysikel drayber; Judy Ann Victorio, 11; May Hardiniano, 9; Jovy May Dotimas, 5; at si John Luis Victorio, 5, pawang residente ng nabanggit na barangay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na magkakasamang naligo sa Sitio Tabing ilog ang apat na bata at napulot ang isang kulay dilaw na bilog na bakal na pinaniniwalaang grenade launcher.
Napag-alamang magkakasabay na umuwi ang mga bata at nasalubong nila ang traysikel ni Penliar at kanila itong pinara.
Nang makasakay sa traysikel ay ibinigay ng mga bata ang napulot na mabigat na kulay dilaw na bakal at doon mismo sumabog sa loob ng sasakyan na ikinamatay ng mga biktima.
Kinukumpirma pa ng pulisya kung ang sumabog na kulay dilaw na bagay ay isang 40mm M203 round grenade launcher.
Inaalam pa din ng pulisya kung paano napunta sa ilog ang nasabing grenade launcher na napulot ng mga bata. (Christian Ryan Sta. Ana)