Ilang araw bago ang Semana Santa, pinagkakaguluhan ngayon ng mga deboto ang milagrosong tubig na dumadaloy mula sa puno ng kawayan na pinaniniwalaang nakagagaling ng karamdaman sa mga taga-Barangay Bacan sa bayan ng Tubungan, Iloilo, ayon sa ulat kahapon.
Base sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang mga kawayan na nasa lupang pag-aari ni Tubungan Vice Mayor Job Aranda ay nauna nang pinaputol sa hindi malamang dahilan.
Ayon sa katiwala ni Aranda na si Maternidad Tacdoro, ilang residente ang nakatuklas sa milagrosong tubig mula sa kawayan kaya pinagkaguluhan ng mga deboto at dahil dito ay agad namang pinabakuran ni Vice Mayor Aranda ang paligid upang maiwasan ang disgrasya.
Napag-alaman pa na simula nang matuklasan ang tubig na nakakapagpagaling ng sakit ay araw-araw na itong dinarayo hindi lamang ng mga residente kundi maging ng mga turista.
Sinabi pa ni Tacdoro na halos hindi na normal ang kanilang pang-araw-araw na buhay dahil halos hindi na sila makakain sa isang araw bunga na rin ng pagiging abala sa pag-aasikaso sa mga taong nagnanais makakuha ng milagrosong tubig. (Joy Cantos )