OLONGAPO CITY — Apat katao kabilang ang FHM model at Viva Hot Babe na si Scarlet Garcia, ang iniulat na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga ‘di-pa kilalang lalaki kung saan tinangka pang sunugin ang mga bangkay nito sa Barangay Gordon Heights sa Olongapo City kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Abelardo Villacorta, Olongapo City police director, maliban kay Garcia, kabilang pa sa mga biktimang pinatay sa loob mismo ng 3-storey townhouse ay ang ka-live-in partner nitong si George Castor Vitug Jr., 27; pinsan ni starlet na si Rachel Estacio, 20; at si Ban “Wakee” Banderas, 20.
Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas- 3:25 ng madaling-araw nang makatanggap ng tawag sa telepono ang himpilan ng pulisya mula kay dating Barangay Chairman Damian Delos Santos hinggil sa nasusunog na townhouse na nirerentahan nina Garcia at Vitug sa #52-B Acacia St., Gordon Heights.
Sinabi ng opisyal na noong una ay inakala ng mga imbestigador na simpleng sunog lamang ang insidente subalit nang magsiyasat sa lugar ay unti-unting lumilitaw na pinaslang ang mga biktima.
Gayon pa man, duda si Villacorta na ang sunog ay posibleng cover-up la mang sa krimen matapos na madiskubreng may mga tama ng bala ng baril ang mga biktima.
Ayon pa kay Villacorta, kasalukuyan nilang iniimbestigahan ang anggulo na mi nasaker muna ang apat saka tinangkang sunugin ang mga bangkay sa townhouse na tinutuluyan ng mga ito.
Napag-alamang si Garcia at Estacio ay natagpuang nakagapos ang mga kamay sa loob ng palikuran sa 2nd floor habang ang dalawang lalaki ay natagpuan naman sunog ang mga katawan sa may sala na pawang pinagbabaril.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang sunog ay nagsimula sa ikatlong palapag ng naturang townhouse kung saan ang krimen ay posibleng naganap sa pagitan ng alas-2 at alas-3 ng madaling-araw.
Ayon sa mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), bahagya lamang nasunog ang mga bangkay ng apat nang matagpuan ang mga ito.
Nabatid pa na bago ang insidente ay nagkaroon muna ng kasiyahan ang mga biktima kung saan nag-inuman at nagkantahan pa.
Inaalam ng mga imbestigador ang napaulat na may dalawang hindi kilalang lalaki ang mabilis na lumabas bago pa madiskubre ang krimen.