Environmentalists binantaan
Sa panayam ng NGAYON kay Carmela Boren, director ng Kalikasan Foundation, tatlo sa kanilang volunteer workers ang nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa hindi nagpapakilalang tao at sinasabihang huwag sumama sa mga kilos-protesta kung ayaw na may mangyaring masama sa kanilang pamilya.
Ayon kay Dr. Thelma Ramos, chairperson ng Kalikasan Foundation, kasama ang Ternatenos Against Landfill ( TALA) at ang Cavite Green Coalition ay nagsagawa ng kilos-protesta laban sa pagtatayo ng landfill dahil maaapektuhan ang supply ng tubig at turismo ng Ternate at mga kalapit bayan ng Naic, Maragondon at Tanza sa Cavite.
Nag-aklas ang mga taga-Ternate matapos sumang-ayon ang siyam sa sampu nilang barangay chairman sa naturang landfill project.
Ayon naman sa source ng NGAYON na ayaw magpakilala, napapirma ang mga barangay captain matapos mabigyan ng tig-P10,000 mula kay Governor Ireneo “Ayong” Maliksi kapalit ng pag-sang ayon sa proposed landfill.
“They were initially offered P50,000 each but were given P10,000 as down payment in the agreement,” paglalahad ng source.
Mariin namang pinabulaanan ni Governor Maliksi sa pamamagitan ng kanyang public information officer na si Alda Cabrera sa isang mobile interview ng NGAYON.
“Noong una, talagang tumatanggi ang mga barangay captain sa landfill proj ect, pero noong napaliwanagan na, sila pa mismo ang nagpa-follow-up kung kailan daw matutuloy ang proyekto,” paliwanag pa ni Cabrera.
Nilinaw naman ni Governor Maliksi na ligtas ang sanitary landfill project dahil nabigyan na ito ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
- Latest
- Trending