Amasonang lider ng NPA, tiklo
KIDAPAWAN CITY – Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang itinuturing na lider ng mga amasonang New People’s Army sa isinagawang operasyon sa Octavio Village sa Barangay Cannery, Polomolok, South Cotabato noong Lunes (Marso 10). Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Rogelio Naresma ng Kidapawan City Regional Trial Court Branch 23, inaresto ang suspek na si Helen “Ana” Mosguera, na isinasangkot sa paglusob sa Army detachment sa Barangay Batang, Tulunan, North Cotabato noong Nob. 2007 kung saan may 14 na armas ang kanilang tinangay. Sa panayam ng NGAYON, tinanggi naman ni Mosguera ang akusasyon sa kanya at nagsabing siya’y isang simpleng maybahay lang at nag-aalaga ng anak na may sakit na lupus. Ayon kay CIDG operative na si Neil Gaspar Lacia, si Mosguera ay kinasuhan ng robbery with intimidation on persons sa ilalim ng Criminal Case #231-2007. (Malu Manar)
Ilegal rekruter arestado
CAVITE – Kalaboso ang binagsakan ng isang 50-anyos na lalaki na pinaniniwalaang ilegal rekruter makaraang matiklo ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa loob ng department store sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kahapon. Pormal na kinasuhan ang suspek na si Reynaldo Ocay ng Blk 25 Lot 3, Brgy St Peter 2, Dasmariñas Cavite. Ayon kay kay P/Insp Villaflor Bannawagan, inaresto ang suspek matapos na inireklamo ng pitong biktima na pansamantalang hindi ibinunyag ang pagkikilanlan. Nabatid na hiningan ng P2,500 ang mga biktima para sa pag-proseso ng kanilang pasaporte at dokumento patungong Saipan. Matapos na malaman ng mga biktima na hindi awtorisado ang suspek na magrekrut ay humingi ng tulong sa kinauukulan. Sa entrapment operation, dinakma ang suspek habang iniaabot ang malaking halaga mula sa ilang biktima. (Cristina Timbang)