ZAMBALES – Dalawang operator ng rigger ang iniulat na nasawi matapos madaganan ng steel platform sa Hanjin Heavy Industries Co., LTD sa Redondo Peninsula na sakop ng Sitio Agusuhin, Barangay Cawag, Subic, Zambales, noong Lunes ng gabi.
Sa ulat na nakarating sa Camp Olivas, nakilala ang mga biktimang sina Eduardo Monila, 36; at Niel Mojica, 40, kapwa kawani ng sub-contractor Globe Distribution Services, Incorp. at mga residente ng Barangay Balaybay, Castillejos. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na aksidenteng bumagsak ang 5-toneladang steel platform kung saan ang dalawang biktima ay nasa gilid ng Quay wall 3, steel stockyard ng Hanjin.
Kaagad naman si naklolohan ng mga rescue team ang dalawa, subalit hindi na naisalba ang kanilang buhay, ayon pa sa ulat.
Magugunita na noong Enero 18, dalawa ring trahabador ng Hanjin ang iniulat na namatay habang apat na iba pa ang nasugatan matapos sumabog at masunog ang ship assembly dahil sa pagsingaw ng oxygen tank. (Alex Galang)