LEGAZPI CITY – Matinding sindak ang naramdaman ng magka-live-in sa Purok 6 sa Barangay Sto. Cristo Tabaco City, Albay kung saan nagsilang ang misis ng isang sanggol na babae na may kakambal na ahas noong Huwebes ng Pebrero 28, 2008.
Sa beripikasyon ng NGAYON kay P/Supt. Jose Capinpin, hepe ng pulisya sa nasabing lungsod, kaagad na lumipat ng tirahan sa Camarines Sur ang magka-live-in na sina Gil Belen at Maricel Verzosa matapos kumalat ang balitang nagsilang sila ng sanggol na may kakambal na anim na pulgadang haba ng ahas na itim.
Halos hindi naman makapaniwala ang pamilya ng babae sa misteryong bumabalot sa panganganak nito ng isang malusog na sanggol na may kakambal na ahas.
Ayon pa sa mga opisyal, ang balita nila ay buhay naman at normal ang bata na iniluwal ng ginang na ngayon ay hindi pa malaman kung saang barangay sa Camarines Sur lumipat ng tirahan sa takot na dumugin ng mga residente.
Sinasabi ng mga matatanda na bagaman bibihira lamang sa kasaysayan ang mga babaeng nagsisilang ng may kakambal na ahas ay suwerte umano ito sa negosyo. (Ed Casulla at Joy Cantos)