BACOLOD CITY – Trahedya ang sumalubong sa masayang mag-iina at drayber nila makaraang salpukin ng six-wheeler truck ang kotse ng mga biktima sa tinaguriang “killer highway” sa E.B. Magalona Negros Occidental noong Sabado ng hapon.
Kabilang sa mga nasawi sa pinangyarihang ng sakuna na pawang naninirahan sa Barangay Paraiso, Sagay City ay si Sanggunian Kabataan chairman Gene Noel Jonatas, 17; inang si Mini Magdalene, 39; at ang driver na si Allan Carmona, 26, habang ang 6-anyos na si Ann Margaret ay namatay sa Riverside Medical Center.
Sa ulat ni E.B Magalona traffic chief Edwin Dumada-og Jr., ang mga biktima ay lulan ng puting Honda Civic nang salpukin ng Isuzu truck na pag-aari ng Kim Marketing at minamaneho ni Roland Pasigado, 26, ng Pulupandan, Negros Occidental.
Lumilitaw sa imbestigasyon, si Pasigado na ngayon ay nakapiit sa himpilan ng pulisya ay nawalan ng kontrol sa manibela kaya nabangga ang kasalubong na kotse ng mga biktima.
Samantala, napilitang umuwi ng bansa, ang amang si Erjo Jonatas, mula sa United States kung saan nagtatrabaho sa luxury liner para ilibing ang kanyang mag-iina. (Antonieta Lopez)