CAMARINES NORTE – Trahedya ang bumalot sa masayang piknik ng apat na estudyante na ikinasawi ng dalawa makaraang malunod sa isang beach resort na sakop ng Sitio Sabang, Barangay Camagsaan, Capalonga, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Ching Ching Eco, 15; at Irish Ramos, 15, kapwa 2nd year hayskul sa Manila Bicol South Road Academy ng Barangay Silang Uno, Labo, Camarines Norte.
Nailigtas naman sa kapahamakan sina Almira Villanueva, 12 at Joan Mansanero, 14, 2nd year hayskul sa Ma. Aurora Academy, Sta. Elena, Camarines Norte.
Ayon sa ulat, ang apat ay nagkayayaang mag-swimming sa nabanggit na lugar dahil sa walang pasok sa eskuwelahan hanggang sa mapadpad sa malalim na bahagi ng dagat kaya naganap ang insidente. (Francis Elevado)