KORONADAL CITY – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang opisyal ng National Commission on Indigenous People (NCIP) ng di-pa kilalang lalaki sa panibagong karahasang naganap sa Barangay Zone 11, Koronadal City, South Cotabato kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Robert Kuinisala, South Cotabato PNP director, ang biktima na si Engr. Rafaelito Handoc, 50, naninirahan sa Davao City at bagong officer-in-charge ng NCIP sa South Cotabato.
Si Handoc ang kasalukuyang hepe ng Technical Management Services Division ng NCIP na nangungunang ahensya na nagpo-proseso sa mga ancestral land claims at nagpapatupad ng Indigenous People’s Rights Act (IPRA) Law ng bansa
Ayon sa ulat, nananghalian si Handoc sa “Inday Kainan” sa compound na pag-aari ng PBA star player na si Kenneth Duremdes sa may Osmeña Street nang lapitan at ratratin ng isang lalaking nakasuot ng maong short pant at puting jacket. Kaagad na tumakas ang killer sakay ng motorsiklong kulay pulang Honda 200R na walang plaka na minamaneho naman ng kasama nito, ayon sa dalawang batang lalaki ang nakasaksi sa krimen.
Napag-alamang naunang binaril at napatay ang isa pang opisyal ng NCIP na si Tommy “Bong” Dawang noong Enero 20, 2008 sa bayan ng Polomolok, South Cotabato
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na may kinalaman sa ancestral land claim ang posibleng motibo ng pagpatay kay Dawang.
Ilan sa mga tumututol sa trabaho ng NCIP ay ang mga ranchero at mga hacienderong papatapos na ang kontrata sa pamahalaan sa ilalim ng Pasteur Lease Agreement. (Boyet Jubelag at Malu Manar)