Walo-katao kabilang na ang isang deputy commander ng Cafgu ang iniulat na napatay sa naganap na madugong sagupaan ng magkalabang pangkat sa liblib na bahagi ng Carmen, Surigao del Sur kamakalawa.
Kinilala ang nasawing Cafgu na si Corporal Jadjori ng Army’s 23rd Infantry Battalion ng 4th Division.
Kasalukuyan namang inaalam ang pagkikilanlan ng pitong rebeldeng NPA na pinaniniwalaang tauhan ni Kumander Salem.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, madaling-araw nang salakayin ng mga rebelde ang Army-Cafgu detachment sa Barangay Hinapuyan sa nabanggit na bayan.
Umabot ng limang oras ang bakbakan matapos na magdepensa ang tropa ng militar at Cafgu.
Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang 2-granada, isang rifle grenade na may siyam na bala ng M203 grenade launcher at 11 improvised landmine.
Kasalukuyang bineberipika ng militar ang ulat na isang dayuhang babae ang namataang kasama ng mga rebeldeng sumalakay sa nasabing detachment. (Joy Cantos)