504 katao natipos
CALAMBA, Laguna – Idineklara kahapon ng Philippine National Red Cross- Laguna Chapter na typhoid fever outbreak ang Calamba City sa Laguna makaraang maospital ang 504 katao na natipos simula pa noong Pebrero 16 hanggang Marso 1, 2008.
Ayon kay Rudelly Cabuti, PNRC-Laguna administrator, isinugod sa ibat-ibang ospital ang mga biktimang tinamaan ng tipos matapos makaranas ng mataas na temperatura, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, pagsusuka at pagtatae.
Ayon sa ulat, ang mga biktima ay nagmula sa 18 barangay na kinabibilangan ng Bagong Kalsada, Bucal, Halang, Lecheria, Looc, Makiling, Paciano, Sucol, San Juan, Barangay 1 hanggang Barangay 7, San Cristobal at Barangay San Jose.
Pinasusuri na rin ang tubig na nanggagaling sa Calamba Water Distict para malaman kung kontaminado ang tubig na nagmumula dito.
Aabot sa 2,000 katao ang naapektuhan ng typhoid fever outbreak sa Barangay Bucal habang 700 naman sa Barangay Pansol bagaman karamihan sa mga natipos ay nakalabas na sa pagamutan.
Sa tala ng PNRC, aabot sa 117 biktima ang naka-confine sa Calamba City Medical Center; 79 sa DR. JP Rizal Memorial District Hospital; 86 sa Pamana Medical Center; 79 sa Calamba Doctors Hospital; 29 sa San Jose Hospital & Trauma Center; 30 sa St. John the Baptist; 15 sa Dr. BG Donasco Hospital; 49 sa St. James Cabrini Medical Center at 20 naman sa Pagamutang Pangmasa ng Laguna.
Ayon sa mga health officials, pinaniniwalaang kontaminado ng bacterium Salmonella typhi ang nakaapekto sa mga residente.
Dahil sa pagdagsa ng mga pasyente sa iba’t ibang ospital ay kinakapos na ng supply ng gamot sa JP Rizal Memorial Hospital partikular na ang intravenous fluid supplies.
Kaugnay nito, patuloy naman ang monitoring ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Calamba Mayor Chipeco sa mga apektadong lugar habang nagsasagawa na rin ng information drive sa 18 barangay. (Dagdag ulat ni Ed Amoroso)
- Latest
- Trending