9 arestado sa tupada
ZAMBALES – Kalaboso ang binagsakan ng siyam-katao makaraang arestuhin ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division sa isinagawang pagsalakay sa tupadahan kamakalawa ng hapon sa Barangay Wawandue,
Kabilang sa mga suspek na kinasuhan ay sina Benedicto Sambalilo, Jose Villaran, Eduardo Villanueva, Eduardo Sambalilo, Raval Valencia, Joey Rivera, Joel Masarate, Bobby Eusebio, 43 at si Barangay Kagawad Wilfredo Dela Cruz.
Sa ulat na nakarating sa Regional Intelligence Division sa pamumuno ni P/Senior Supt. Pierre Bucsit, matagal na ang operasyon ng illegal na tupadahan sa nasabing lugar subalit naging inutil ang pulis-Subic sa reklamo ng mga residente.
Nabatid na bukod sa tupada ay ilang mesa ng kara y cruz ang sumasabay at dahil sa protektado ng isang opisyal ng pulis-Subic ay hindi masawata ang modus operandi.
Samantala, naging inutil naman ang kapulisan sa Zambales sa pamumuno ni P/Senior Supt. Rolando Felix dahil sa patuloy pa rin ang operasyon ng jueteng na tatlong beses ang bolahan kada araw at ginagamit na front ang pekeng Small Time Lottery.
Maging ang kautusan ni Zambales Gov. Amor Deloso sa mga kinauukulan ay naging paralisado dahil sa malaking payola ang ibinibigay ng jueteng lord para hindi mapatigil ang iligal na sugal. (Alex Galang)
- Latest
- Trending