KIDAPAWAN CITY – Dalawang sibilyan ang iniulat na nasawi, habang tatlong iba pa ang nanganganib na mamatay makaraang makagat ng asong ulol sa bisinidad ng Barangay Lipaga sa bayan ng M’lang, North Cotabato, noong Lunes.
Unang binawian ng buhay sa M’lang Medical Specialist Hospital sa Poblacion si Joseph Jade Labanza, 6, noong Lunes.
Sumunod naman si Elvis Tolentino, 37, na namatay sa North Cotabato Provincial Hospital sa Amas, Kidapawan City.
Samantala, tatlo pang sibilyan na pansamantalang hindi kinilala ang nanganganib ang buhay dahil sa matinding kamandag ng asong ulol, ayon sa report ng North Cotabato Provincal Veterinarian Office.
Ayon sa ulat, naglalakad sa highway ang mga biktima noong unang linggo ng Enero 2008 nang biglang magwala ang isang aso at nagsimulang mangagat.
Unang nakagat ang batang si Labanza at tinangkang iligtas ni Tolentino ang bata pero maging siya ay nakagat din ng aso.
Pero ang mas nakababahala, ayon kay Cota bato provincial veterinarian Dr. Enrico Garzon, kinatay at pinulutan ng 17 katao sa Barangay Lipaga ang asong ulol na may rabies.
Agad nagpadala ng team ng mga doctor at midwives sa lugar noong Martes si Garzon para mag-imbestiga at magsagawa ng agarang rabies vaccination.