Mga batang nawawala sa Batangas at Quezon: ‘Kwentong kutsero lang’ – PNP
CAMP MIGUEL MALVAR, Batangas – Mariing pinabulaanan ng Batangas PNP ang mga kumakalat na text messages nitong nakalipas na araw tungkol sa mga ulat na may mga batang nawawala at kalauna’y natatagpuan walang lamang loob at mga mata sa Batangas at Quezon
Ayon kay P/Senior Supt. David Quimio, Batangas police director, pawang mga kwentong kutsero o haka-haka lamang ang mga text messages na naghasik ng takot sa buong probinsya.
Sa panayam kay Col. Quimio, ilang text messages na pinatulan ng ilang national tabloid (hindi PSNGAYON) na may isang grupo ang gumagala sa mga barangay at nangunguha ng mga bata bago tinatanggalan ng mga internal organs at ipinagbibili sa ibang bansa kapalit ang malaking halaga.
Kumalat ang balita na mayroong 15 hanggang 30 kabataan ang napabalitang dinukot ng sindikato na ikinabahala ng mga magulang at mga residente ng buong lalawigan.
“Sa dami ng batang nawawalang ‘yon dapat napuno na ang mga presinto para mag-report ang mga magulang, ‘e wala namang kaming natatanggap na reklamo maliban lang sa dalawang bata sa bayan ng Ibaan na wala namang kaugnayan sa kaso ng nawawalang internal organs,” pahayag ni Col. Quimio
Kinilala ni Quimio ang dalawang bata na sina Patricia Patena, 5; at Fatima Boceta, 6, kapwa nawala habang bumibili ng kendi sa kalapit na tindahan noong February 19.
“Hindi natin pwedeng iugnay ang dalawang batang nawawala dahil hindi naman sila yung binabanggit sa mga text messages na tinanggalan ng mata, kidney at puso at tsaka iniwan sa gilid ng kalsada na may naka-singit na P5,000 sa katawan nang matagpuan,” pagtutuwid ni Quimio
Niliwanag din ni Col. Quimio na wala pang plate number na iniisyu ang Land Transportation Office (LTO) na VMM-507 na nakalagay sa ginagamit na kulay puting van ng sindikato.
Nananawagan si Col. Quimio sa ibang kasamahan sa media na beripikahin munang mabuti ang mga impormasyon bago ilabas sa mga pahayagan ang balita para hindi makalikha ng takot sa mga mamamayan. (Arnell Ozaeta)
- Latest
- Trending