February 27, 2008 | 12:00am
Mag-syota nag-sex sa damuhan, tiklo
CAMP CRAME - Inaresto ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang menor-de-edad na magkasintahan makarang maaktuhang nagtatalik sa damuhang malapit sa kanal sa bayan ng Polomolok, South Cotabato kahapon ng umaga. Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mag-syotang itinago sa mga pangalang Patrick, 16; at Patricia, 15 na kapwa residente sa nabanggit na bayan. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, namataan ng ilang residente na nagtatalik ang dalawa malapit sa isang restaurant sa national highway sa nasabing munisipalidad. Inamin naman ni P/Supt Raul Supiter, hepe ng Polomolok-PNP na hindi lamang ang dalawa ang unang magkatipan na nadakip nilang nagtatalik sa pampublikong lugar. Sa kabila nito, tiniyak ng opisyal na hindi sila nagkukulang sa pagroronda sa mga lugar na liblib at madilim na kadalasan ay pinagdarausan ng kahalayan ng mga kabataang nagkukulang sa kagandahang asal. (Joy Cantos)
Obrero kinatay ng adik
CAVITE – May posibilidad na napagtripang pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang isang 30-anyos na obrero ng isang adik sa droga sa naganap na panibagong karahasan sa Barangay Acasia, Silang, Cavite kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Manuel Conde, samantalang nasa kritkal na kondisyon ang utol nitong si Florida Gabuyo, 48, kapwa residente ng Phase I-A Block 7 Excess Lot sa nabanggit na barangay. Sa pagsisiyasat ni PO3 Diogenes Sunio, papauwi na ang mag-utol nang harangin at saksakin ng suspek na si Leonido Baruga na pinaniniwalaang lango sa bawal na gamot. (Cristina Timbang)
Cafgu nilikida ng NPA
ILOILO CITY – Binaril at napatay ang isang kawal ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) ng dalawang armadong kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Putian sa bayan ng Cuartero, Capiz kahapon ng umaga. Base sa inisyal na ulat na nakarating kay Capt. Lowen Gil Marquez ng Philippine Army’s 32nd Civil Relations Unit, kinilala ang napatay na si Weren Ballen ng West Villaflores detachment sa Maayon, Capiz. May teorya si Marquez na mga rebeldeng NPA hit squad ng Eastern Front Committee ang responsable sa pamamaslang. (Ronilo Ladrido Pamonag)