CEBU – Lima-katao ang iniulat na nangisay na nagresulta sa pagkamatay ng isa makaraang makuryente habang inaayos ang antenna ng telebisyon sa Barangay Talavera, Toledo City, Cebu noong Huwebes ng umaga.
Di na umabot ng buhay sa Toledo District Hospital ang biktimang si Daryll Basalo, 19, habang nagtamo ng mga paso sa ibat-ibang bahagi ng katawan sina Joel Guillano, 34; Dianara Guillano, 12; Rosemarie Mago, 39; at Jonathan Geraldez, 36, pawang naninirahan sa nabanggit na barangay.
Sa ulat ni SP01 Revelito Tadique ng Toledo City PNP, lumilitaw na nagtulung-tulong ang mga biktima sa pagkakabit ng antenna ng telebisyon sa tindahang pag-aari ni Rosemarie Mago.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay napadikit sa talop na linya ng kuryente sa poste ang antenang may taas na 12-talampakan. Dahil sa lakas ng boltahe ay tumilapon ang lima subalit si Basalo na nakapuwesto sa pinakadulo ng nasabing antenna ang napuruhan. (Edwin Ian Melecio)