CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang 31-anyos na abogado ang iniulat na napatay makaraang tambangan ng ‘di-pa nakikilalang mga kalalakihan sa Barangay Poblacion sa bayan ng Puerto Galera, Oriental Mindoro noong Miyerkules ng February 6, 2008, ayon sa report kahapon.
Sa naantalang ulat na nakarating sa Camp Vicente Lim, kinilala ni P/Chief Inspector D’Artagnan Katalbas, hepe ng Puerto Galera PNP ang biktimang si Atty. Christian Garcia ng Sitio Agwada, Barangay Poblacion sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, papauwi na si Atty Garcia sakay ng motorsiklo nang harangin at pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki na lulan din ng motorsiklo bandang alas-6:30 ng gabi.
Pinaghahanap na ngayon ang mga suspek na mabilis na nagsitakas patungo sa ‘di-pa malamang direksyon matapos ang pamamaril.
Sinisilip ng mga imbestigador ang motibong may kaugnayan sa kanyang mga kaso, babae, negosyo at pulitika ang dahilan ng pamamaslang. (Arnell Ozaeta)