Killer truck: Parak, 1 pa pisak, 2 pa grabe

CAMP CRAME – Pisak ang katawan ng isang pulis at kasama nitong police applicant, samantalang dalawa pa ang grabeng nasugatan makaraang mahagip at makalad­kad ng truck ang kanilang  sinasakyang kotse sa bayan ng Alicia, Isabela kamakalawa.

Kabilang sa mga biktimang namatay ay sina PO1 Almar Mandac at ang aplikanteng si Joel Pascual.

Patuloy namang ginagamot ang dalawang nasugatang sina PO1 James Pascual at PO1 Manny Ignacio.

Batay sa ulat ng Isabela Provincial Police Office (PPO) na isinumite sa Camp Crame, naganap ang insidente ban­dang alas- 8: 30 ng  umaga sa kahabaan ng lansangan na sakop ng Barangay Victoria.

Nabatid na patungo ang mga biktima sa regional command sa Tuguegarao City, Cagayan upang isumite ang ka­nilang requirements para sa promosyon nang mawalan ng kontrol ang kanilang sasakyan at tumawid sa kabilang linya ng kalsada.

Sa bilis ng pangyayari ay hindi na nagawang iwasan ang kasalubong na truck kaya nahagip at nakaladkad ng ilang metro ang nagkayupiyuping sasakyan ng mga biktima. (Joy Cantos)

Show comments