CAMP CRAME – Umaabot sa P50 milyong marijuana na nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa bayan ng Alilem, Ilocos Sur kamakalawa.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 1 director Chief Supt. Leopoldo Bataoil, ang pagkakasamsam sa bulto ng marijuana ay bahagi ng pinalakas na anti-drug campaign ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nakakumpiska ng 190,000 marijuana ang pangkat ng RMG 1 sa dalawang ektaryang lupain habang ang ikalawang pangkat naman ay aabot sa 130,000 sa naturang marijuana eradications operation.
Sinabi ni Bataoil na ang nasamsam na bulto ng marijuana ay umaabot sa P 90 milyon bagaman wala ni isa man sa cultivator nito ang nasakote ng pulisya sa isinagawang operasyon.
Kaugnay nito, naglunsad na ang pulisya ng hot pursuit operations laban sa armadong kalalakihan na itinuturong nagmamatine sa pataniman ng marijuana sa hangganan ng Alilem, Ilocos Sur at Cayapa, Benguet. (Joy Cantos)