February 18, 2008 | 12:00am
‘Shabu queen’ nadakma
ILOILO CITY — Kalaboso ang binagsakan ng isang drug pusher na pinaniniwalaang notoryus sa tawag na “shabu queen” makaraang masakote ng pulisya sa isinagawang entrapment operation sa bilyaran sa Zamora Extension, Iloilo City noong Biyernes ng gabi. Pormal na kinasuhan ang suspek na si Maria Victoria Lopez-Arroyo na nakumpiskahan ng 2-plastic sachets na naglalaman ng methamphetamine hydrochloride (shabu). Inaresto din ang asawa nitong si Graciano matapos makialam at hadlangan ang mga awtoridad sa pag-aresto kay Arroyo. Ayon kay P/Chief Supt. Isagani Cuervas, police regional director, nagpanggap na college student ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement at ang Regional Special Operations Group para maaresto ang suspek sa nasabing lugar na malapit sa kanyang bahay. Nakatakas naman ang drug courier ni Arroyo na kilala lamang sa alyas na “Faith”. Ayon sa isang operative ng PDEA na tumangging magpakilala sa takot na balikan, si Arroyo ay kabilang sa mga suspected drug personalities sa nasabing lungsod. (Ronilo Pamonag)
7 puganteng preso sumuko
CAMP CRAME — Pito sa walong presong pumuga sa Cebu Provincial Police Office detention cell noong nakaraang linggo ang sumuko sa mga awtoridad kamakalawa. Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kabilang sa mga sumuko ay sina Joseph Reville, 29; Anselmo Saz Jr., Johnrel Aguanta, 35; Anecito Angtiampo, 38; Jestoni Cantal, 21; Irideo Carlo, 31; at isang 17-anyos na preso. Samantala, tugis pa rin ng pulisya ang pinuno ng jailbreak na si Junie Cabosas. Base sa naunang ulat, ang mga preso ay pansamantalang inilagak ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division sa detention cell ng Provincial Intelligence Branch mula sa kanilang kulungan sa San Fernando Police station dahil may court hearing. Gayunman, sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkaroon ng diprensya ang padlock ng detention cell kaya madaling nawasak ng mga preso. (Danilo Garcia)
Lider ng KFR nasakote
BATAAN — Nagwakas ang modus operandi ng isang Bumbay na pinaniniwalaang lider ng kidnap-for-ransom gang makaraang masakote ng pulisya sa Barangay Manresa, Quezon City kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang suspek na si Darshan Sandhu/Gurdashan Singh, alyas Tony. Ayon kay P/Senior Supt. Manuel Gaerlan, dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Manuel Tan ng Bataan Regional Trial Court-Branch-11. Si Sandhu ang itinuturong utak ng kanyang mga kasamang sina Bootah Singh, Gurmeet Singh at Sukhdev Raj na naunang inaresto ng pulisya sa Orani, Bataan. Ang mga suspek ay naaresto matapos na lumutang ang mga naging biktimang trader na sina Jass Kaur, Makhan Singh, Gurmolak Singh, Raghbir Chand at Gurmeet Singh na pawang kinidnap ng grupo at naipatubos sa halagang P6 milyon. Napag-alamang aabot na sa 80 Bumbay na pinaniniwalaang nagbigay ng P9 milyon kada isa ang naging biktima ng nasabing grupo. (Jonie Capalaran)