CAMP CRAME – Pinatay muna ng isang 75-anyos na lolo ang kaibigan nitong biyuda bago nagbaril sa sarili sa San Luis Village, Baguio City kamakalawa.
Kinilala ang nag-suicide na si Roberto Walang Polon, samantalang nakilala naman ang napatay nito na si Janet Ngoslab, 41, ng Purok 1, Irisan.
Sa report ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, naitala ang krimen bandang alas-12:35 ng hapon sa loob ng tahanan ni Polon sa #23 Sunflower Subdivision, San Luis Village ng nabanggit na lungsod.
Sa naging pahayag ni P/Senior Supt. Moises Guevarra, hepe ng Baguio PNP, wala pang malinaw na motibo kung bakit pinatay ni Polon ang biyuda.
Lumilitaw sa imbestigasyon, na binaril ng matanda ang biktima sa ulo saka isinalaysay ang krimen sa text message nito sa anak na babae ng biyuda.
Napag-alaman na nagpadala rin ng text message si Polon sa kanyang anak na si Olivia na nakasaad ang buong pangyayari sa loob ng kanilang bahay.
Agad namang nagtungo si Olivia sa nasabing lugar, gayon pa man hindi na nito naabutang buhay ang sariling ama na may ilang metro naman ang layo mula sa nakabulagtang bangkay ni Janet.
Nakarekober sa lugar ng insidente ng suicide note kung saan nakasaad kung ano ang gagawin sa bangkay ni Polon at kung ano ang gagawin sa abuloy na makukuha ng mga ito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ni Polon para patayin ang biyuda.