Gulo sa Magpet, lumalala
KIDAPAWAN CITY – Ikinasa ng mga awtoridad ang malawakang dragnet operation laban sa isang dating miyembro ng grupong Bagani na nagtangkang pagpatay sa isang sarhento ng Phil. Marines sa Barangay Temporan sa bayan ng Magpet noong Martes. Kinilala ang suspek na si Rey Pagayao na miyembro ng mga armadong katutubong lumalaban sa mga rebeldeng New People’s Army.
Ayon sa ulat, nagsimula ang gulo nang akusahan ng mga residente ng Barangay Temporan, si Pagayao na pangunahing suspek sa pamumutol ng linya ng tubig na isa sa water project ng KALAHI-CIDSS ng DSWD sa central Mindanao.
Gayon pa man, kaagad na tinungo nina Barangay Chairman Cristobal Provida, Army Sgt. Jorge Billena ng 72nd Infantry Battalion at tatlong miyembro ng Cafgu ang bahay ni Pagayao para imbitahan sa isang dayalogo kaugnay sa ginawa nitong insidente at para maresolba ang awayan ng mga residente sa Sitio Tongao.
Sa halip na harapin ni Pagayao ay pinaputukan ng baril si Sgt. Billena saka mabilis na tumakas, ayon kay P/Insp. Luis Pederio, hepe ng Magpet PNP
Samantala, sa panig naman ni Shirley Pagayao, misis ng suspek, na hinarap nang maayos ng kanyang mister ang grupo ni Brgy. Chairman Provida pero basta na lamang daw nila binaril ang suspek at binitbit.
Sa kasalukuyan ay hindi pa nakikipag-ugnayan ang suspek sa kanyang misis pero duda siya na itinatago ito ng kadre at ng mga Cafgu. (Malu Cadelina Manar)
- Latest
- Trending