Dalawa katao ang nasugatan nang maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo makaraang pagpakitaan umano sila ng isang “White Lady” na bumulaga sa kanilang daraanan sa highway ng Bacnotan, La Union kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Moises Ogot, 33 at Renato Ogot, 37; pawang residente ng Barangay Narra ng nasabing bayan.
Binabagtas ng mga biktimang lulan ng motorsiklo ang naturang lugar nang bigla umanong tumayo ang balahibo ng nagmamaneho nitong si Renato at ng kanyang kaangkas na si Moises.
Halos mapasigaw sila sa matinding sindak nang biglang mapukaw ang kanilang atensyon sa pagtawid ng white lady o multo ng isang babaeng nakasuot ng kulay puti na sa isang iglap ay biglang naglaho sa kanilang paningin.
Dahil dito ay nawalan ng kontrol sa manibela si Renato bunsod upang sumalpok at sumadsad ito sa tabing kalsada kung saan sugatan ang mga itong isinugod sa hospital.
Naniniwala naman ang mga residente sa lugar na isang ligaw na kaluluwang hindi matahimik ang nagpakitang white lady sa dalawang biktima.