CAMP CRAME – Dalawang alalay ng isang mayor ang iniulat na napaslang makaraang pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army na sumalakay sa minahan ng ginto sa Monkayo, Compostella Valley kahapon ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Joshua Santiago, commander ng Army’s 72nd Infantry Battalion, sinalakay ng mga rebelde ang planta ng JB Mining sa Brgy. Olaygon, Mt. Diwalwal, Monkayo bandang alas-8 ng umaga kahapon.
Nabatid na nagsasagawa ng pag-iinspeksyon sa processing plant si Monkayo Mayor Manuel Brillantes nang sumalakay ang grupo ng NPA rebs.
Agad umanong pinaulanan ng bala ng mga rebeldeng komunista ang nasabing processing plant kung saan napatay ang dalawang bodyguard ni Brillantes na hindi natukoy ang pangalan sa ulat.
Nabatid na nakipagbarilan sa mga rebelde ang mga aide at sekyu sa minahan ni Mayor Brillantes na ikinasawi ng dalawang alalay nito.
Nakaligtas naman sa kamatayan si Mayor Brillantes na pinaniniwalaang may kaugnayan sa pangingikil ng revolutionary tax na patuloy na tinatanggihan ng may-ari. (Joy Cantos)