ISABEL, Leyte – Tinatayang aabot sa P100 milyong ari-arian ang tinupok ng apoy makaraang masunog ang lumang palengke sa kahabaan ng Rojas at Quezon Street sa bayan ng Isabel, Leyte noong Lunes ng gabi.
Ayon kay Isabel fire operation chief at investigator na si Senior Fire Officer I Cosmelito Tante, nagsimula ang apoy sa tindahan ng dried fish na pag-aari ni Rachel Belaro kung saan nagdikit ang dalawang talop na linya ng kuryente kaya nagsimula ang apoy.
Dahil sa kalumaan ng materyales ay kaagad na kumalat ang apoy sa mga tindahan ng damit at groceries section sa Quezon Street hanggang sa maabo ang may 136 tindahan bago naideklarang under control ang sunog bandang alas-2:30 ng madaling-araw matapos rumesponde ang mga tauhan ng pamatay-sunog mula sa Ormoc City, Merida, Palompo at Villaba, Leyte.
Wala naman iniulat na nasugatan o nasawi at walang iniulat na nakawan habang nasusunog ang palengke, ayon kay SPO3 Virgilio Sanico.
May posibilidad na sinunog ang lumang palengke para palitan ng shopping mall. (Roberto C. Dejon)