ORMOC CITY, Leyte — Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 57-anyos na barangay chairman makaraang ratratin at pagtatagain ng isang kasapi ng Citizen Auxiliary Geographical Force Unit sa Barangay Hiluctogan sa Ormoc City, Leyte noong Biyernes ng umaga.
Kinilala ni SPO4 Pio Piñaflor ang biktima na si Rodrigo Grana y Villote, 57, chairman ng nabanggit na barangay. Samantala, sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Floro Apura y Morales, 56, nakatalaga sa pagmimintine ng kapaligiran ng Phil. Oil Company sa Barangay Tongonan.
Sa ulat ni PO2 Eutemio Baillo, lumilitaw na inimbestigahan ng biktima ang suspek kaugnay sa reklamo ng isang 11-anyos na mag-aaral na hinalikan ng huli.
Dahil sa bahay ng suspek ginawa ang imbestigasyon at hindi sa barangay hall ay nagtanim ng galit ang una laban sa biktima
Ayon sa ilang nakasaksi sa krimen, hindi pa nakuntento ang suspek sa ginawang pamamaril sa biktima bagkus ay pinagtataga pa ito matapos na magkasalubong ang dalawa sa barangay proper.
Habang iniimbestigahan ng pulisya, inamin ng suspek ang krimen dahil nainsulto raw siya sa ginawa ng biktima na mismong sa bahay niya isinagawa ang imbestigasyon.
Naging pabor naman ang ilang opisyal ng barangay sa ginawa ng kanilang chairman dahil mas lalong kahiya-hiya ang aabutin ng suspek kung sa barangay hall iimbestigahan ang reklamo laban sa kanya. (Roberto Dejon)