33 nalason sa spaghetti

KIDAPAWAN CITY – Umaabot na sa 33-katao kabilang ang pitong bata ang naospital makaraang malason sa kinaing spag­hetti na inihanda sa birthday party sa Barangay Caloocan, Koronadal City, South Cotabato, ayon sa ulat kahapon.

Ang mga biktimang na­isugod sa South Cotabato  Provincial Hospital ay kumain ng spaghetti at macaroni sa  birthday party ng anak ni Gloria Acosta na nag-debut  ban­dang alas-7 ng gabi noong Linggo sa Park Maligaya ng nabanggit na barangay.

Gayon pa man, kina­bukasan ng umaga  hang­gang Martes ng hapon ay aabot na sa 33-katao ang isinugod sa nasabing os­pital matapos dumaing ng pananakit ng tiyan, ulo, pagsusuka, labis na pag­dudumi at matinding pag­kahilo.

Base sa rekord ng os­pital, may 16 pa ang naka-confine, 12 naman ang inoobserbahan ng mga doktor, 4 ang nakalabas na at 1 pa  umalis ng hindi ma­kapaghintay na ma­gamot kung saan pito na­man sa mga biktima ng  food poisoning ay pawang mga bata.

Kasalukuyan namang sinusuri ng mga health officials ang sample ng pag­kain upang mabatid ang uri ng bacteria na nakalason sa mga biktima. 

Ito na ang ikalawang kaso ng pagkalason na naitala sa central Mindanao simula Lunes.

Sa talaan ng pulisya, ay aabot sa pitong bata ang nalason nang kumain ng bunga ng tuba-tuba (atro­pha curcas) na itinuturing na highly-toxic.

Show comments