Buntis pinalakol ng amok
Kalunus-lunos ang sinapit ng isang apat na buwang buntis na ginang nang mapatay ng isang nag-amok na binata sa Barangay Bulabog, Sorsogon City, Sorsogon kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Aida Laresa na agad binawian ng buhay sa insidente sa tinamong malalalim na sugat sa ulo, tiyan at likod.
Nasa kritikal namang kondisyon ang tatlo pang biktima na sina Alex Laureta, Albret Laresa at Roel Laresa.
Nakilala naman ang suspek na si Sherwin Conda, 22, ng Barangay Bulabog.
Nabatid na bigla na lamang sumulpot sa lugar ang suspek na may dala-dalang palakol.
Gayunman sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang itong nag-amok at pinagpapalakol ang buntis na ginang habang isinunod ang tatlo pa na tinangka itong awatin.
Napag-alaman na unang naabutan at pinalakol ng suspek ang buntis na misis hanggang sa bumulwak ang dugo at bituka ng biktima at matapos ay saka naman binalingan ang iba pang mga biktima na nakaupo sa tabi ng kanilang bahay at pinagpapalakol din.
Malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na ang suspek ay lango sa ipinagbabawal na droga dahil namumula ang mga mata nito.
Kaagad namang tumakas ang suspek dala ang machete na ginamit nito sa pamamalakol sa mga biktima. (Joy Cantos at Ed Casulla)
- Latest
- Trending