DAR grinanada

Isang sangay ng Department of Ag­rarian Reform sa Bacolod City ang nayanig sa pagsabog ng isang granadang inihagis dito ng hindi pa nakikilalang mga taong nakasuot ng bonnet, kahapon ng madaling-araw.

Sinabi ni Bacolod City Police Chief Sr. Supt. Ronilo Quebrar na naganap ang insi­dente bandang ala-1:50 ng madaling araw sa tanggapan ng DAR sa kahabaan ng San Sebastian St. sa nasabing lungsod.

Ayon sa imbestigasyon, dalawa uma­nong naka-bonnet na lalaki na sakay ng motorsiklo ang nakitang umaligid sa palibot ng nasabing tanggapan.

Ilang saglit pa ay may kung anong bagay ang mga itong ipinukol na nadiskubreng  granada  matapos na tumama sa security outpost ng gate ng nasabing tanggapan.

Bunga nito ay nawasak ang jalousy ng bintana habang marami ring mga tama ng shrapnel ang pintuan ng tanggapan at maging ang dingding ng naturang security outpost.

Ayon pa kay Quebrar, walang nasugatan sa mga magsasaka ng Hacienda Car­men­cita  ng Pontevedra na binitbit ang ka­ni­lang mga anak sa isinasagawang picket matapos ang mga itong magsipag-vigil sa harapan sa  nasabing tanggapan.

Nabatid na hinihiling ng mga magsasaka na makakuha ng Certificate of land ownership award sa DAR.

Sa kasalukuyan, sinisilip ng mga awto­ridad ang anggulo ng alitan sa lupa ang mo­tibo ng pagpapasabog kaugnay ng sigalot ng may-ari ng Hacienda Carmencita at ng mga magsasaka. Ang nasabing hacienda ay nasa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng pamahalaan.

Naghihinala naman si Provincial Agrarian Reform Officer Gng. Teresita Depenoso na ang mga suspek ay posibleng mga kritiko ng DAR program ng gobyerno kung saan 32 beneficiaries ang pinalad na makakuha ng titulo ng mga lupang kanilang ipamamahagi.

Ayon kay Depenoso, nakatanggap sila ng mga report na ilang grupong tutol sa CARP ang umupa ng ilang tao na manggigipit at magbabanta sa mga tauhan ng DAR.

Ang nabanggit na hacienda ay pag-aari ng pamilya ni dating Ambassador Roberto Benedicto.

Show comments