Inihatid na kahapon sa huling hantungan si Fr. Rey Roda na pinaslang ng mga bandidong Abu Sayyaf matapos salakayin ang compound ng Simbahang Katoliko at eskuwelahan sa Barangay Tabawan, South Tubian, Tawi-Tawi noong gabi ng Enero 15.
Si Roda, 53 ay inilibing sa tabi ng puntod ni Fr. Benjamin Ono cencio sa Our Lady of Lourdes Grotto sa Oblaites of Mary Immaculate cemetery sa Barangay Tamontaka, Datu Odin Sinsuat, Shariff Kabunsuan.
Nabatid na libu-libong katao ang dumalo sa libing ng pari kabilang na dito sina Bishop Romulo Lampon, Bishop Orlando Quevado, Auxillary Bishop Collin Bagafuro, Bishop Romulo Valles at Bishop Romulo de la Cruz.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, maging ang mga estudyante na may mga dalang puting bandila ay luminya rin sa kalsada habang dumaraan ang funeral procession ni Fr. Roda.
Gayundin ang kaniyang mga kababayan, kaibigan, estudyante at mga sympathizer ay nakipaglibing din sa nasabing pari na may sampung taong nagmimisyon sa Tawi-Tawi.
Magugunita na si Fr. Roda na naging kura paroko ng Mary Immaculate Church sa South Tubian, Tawi-Tawi at director ng Notre Dame School ay pinagbabaril ng mga kidnaper matapos na manlaban ito habang tangay naman ang gurong si Omar Taup. (Joy Cantos)