Ambush: Ex-kabesa dedo, ex-vice mayor sugatan

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Kumpirmadong napatay ang isang dating barangay chairman, samantalang sugatan naman ang ex-vice mayor sa panibagong karahasang naganap sa magka­hiwalay na lugar sa lalawigan ng Cavite kahapon at kamakalawa.

Kinilala ang napatay na si ex-chairman Ronaldo Bulda, 42, ng Ba­rangay Kanluran, Rosario, Cavite.

Ayon sa ulat, lulan ng traysikel si Bulda nang ratratin sa panulukan ng P. Burgos St. at Rizal St. sa Barangay Poblacion noong gabi ng Sabado. Naisugod pa sa Our Savior Hospital ang biktima pero idineklara na itong patay matapos magtamo ng apat na tama ng bala sa katawan.

Sa­mantala, sugatan naman si ex-Dasmariñas Vice Mayor Victor “Vic” Carungcong matapos pagbabarilin ng tatlong kalalakihan sa Barangay H2 Dasmariñas, Cavite kahapon ng alas-12:30 ng tanghali. Sugatan din ang kasamahan ni Carungcong na si Romeo Ong nang tamaan ng bala ng cal .45 habang kapwa nakasakay sa Honda CRV na may plakang XPZ-573.

Mabilis na tumakas ang tatlong suspek sakay ng kulay puting multicab patungo sa ‘di-pa malamang direksyon. Inaalam pa rin ng mga imbestigador kung ano ang mga motibo sa dalawang kaso ng pananambang.  (Arnell Ozaeta at Tina Timbang)

Show comments