CAVITE – Muling pinabubuksan sa Department of Justice at National Bureau of Investigation ang kaso kaugnay sa pagpatay sa manager ng ospital na natagpuan ang bangkay nito sa bahagi ng Barangay Sungay, Tagaytay City, Cavite noong Abril 20, 2006.
Ang kahilingan ay ginawa ng mga kaanak ng biktimang si Baltazar D. Santander, 50, manager ng Human Resources and Quality Assurance ng Prime Global Care Medical Center Inc. na may opisina sa panulukan ng Avenida Road at Cabezas St., Bahayang Pag-asa Subd., Phase 2, Molino 2, Bacoor, Cavite.
Ayon sa mga kaanak, may mga ulat na dinukot ang biktima sa harap ng nasabing ospital bandang alas-10 ng umaga noong Abril 17, 2006.
May nakakita na sumakay ang biktima sa pulang sasakyan at hindi na nakita pa muling buhay.
Sinisilip din ang anggulong inside job na posibleng pagnanakaw sapagkat aabot sa P80,000 ang dala ng biktima matapos itong utusang mag-deposit sa sangay ng Allied Bank sa Barangay Molino sa Bacoor, Cavite.
Base na rin sa post-mortem examination ng PNP-SOCO sa Camp Vicente Lim, Laguna, ang basag na ulo ng biktima binalutan ng itim na plastic bag, nakagapos ang mga kamay at paa, nakapiring ang mata at bibig.
Lumalabas din sa ulat na may palatandaang pinahirapan muna bago pinatay ang biktimang tubong Barangay San Juan, Bacolod City at residente ng # 24 Osmium St., Phase IV, Golden City Subdivision sa Barangay Anabu, Imus, Cavite.