Batangas City – Apat na pulis ang hinatulan ng parusang habambuhay na pagkakabilanggo dahil sa pagpatay sa isang preso sa Calaca, Batangas.
Sa 53-pahinang desisyon na ipinalabas ni Judge Cecille Austria ng Regional Trial Court Branch 2 ng Balayan, Batangas, nasentensyahan sina SPO1 Rolando Formento, SPO2 Lorente Pornillosa, SPO4 Bonifacio Villanueva at PO3 Reynaldo Malimban na pawang dating nakatalaga sa Calaca Police Station.
Ayon kay Austria, ang apat na pulis ay sangkot sa pagpatay sa bilanggong si Raul Vidal matapos umano itong bugbugin habang nasa loob ng kanyang selda sa Calaca Police Station noong March 3, 1998.
Subalit bago pa mailabas ang sentensya sa apat na akusado, namatay na si Pornillosa sa sakit na cancer samantalang nagpakamatay naman umano sa loob ng selda si Villanueva.
Nakatakas naman si Malimban sa kanyang kulungan matapos lagariin nito ang kandado at rehas ng kanyang selda at lumusot sa bintana ng comfort room noong Miyerkules ng madaling-araw.
Tanging si Formento ang binasahan ng sentensya habang ginawaran naman ni Judge Austria ang pamilya ni Vidal ng P2-million para sa danyos mula sa mga suspek. (Arnell Ozaeta)