CEBU CITY – Isang 18-anyos na kolehiyala na tumangging makipagkilala sa kabarong estudyanteng babae na inakalang tomboy ang iniulat na pinagsasaksak at napatay ng huli sa loob ng bilyaran sa Barangay Banilad, Cebu City kamakalawa ng gabi.
Napuruhan sa tiyan at dibdib ang biktimang ‘di-na umabot pa ng buhay sa Vicente Gullas Hospital si Rhobey Ann Ariola, nasa unang taon sa kursong Hotel and Restaurant Management habang sumuko naman kahapon sa himpilan ng pulisya ang suspek na itinago sa pangalang Beth, 17.
Ang pananaksak ay naganap sa loob ng Gimmix Foxx Billard Hall sa J. Panes Street ng nabanggit na barangay kung saan malapit nag-aaral ang dalawa.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Jay Yballe, imbestigador ng Homicide Section ng Cebu City Police Office, base na rin sa mga alegasyon ng kasamahan ng biktima, unang lumapit ang suspek saka nakipagkilala sa biktima.
Subalit napagkamalang tibo ang suspek kaya tumanggi ang biktima at nakipagsagutan hanggang humantong sa sabunutan ng dalawa.
Napag-alamang nakihalo na rin sa away ang mga kasamahan ng dalawa hanggang sa mapatay ng suspek ang biktima.
Itinanggi naman ng suspek na siya ay tibo at nais lamang niyang makipagkilala sa kapwa estudyanteng kapareho ng kanyang kurso at nabigla nalang ito nang biglang hatakin ng biktima ang kanyang upuan at saka siya sinabunutan.
Dahil sa pagiging menor-de-edad ng suspek ay nakatakdang i-turn over ng pulisya sa Department of Social Welfare and Development.