16 anyos pinatay sa gulping  grade 6 student

Nasawi ang isang 16-anyos na binatilyo maka­raang pagtulungang gulpihin ng dalawang grade 6 na estudyante na kanyang na­kaaway kamakalawa ng umaga sa Tanay, Rizal.

Ang  biktima na nagtamo ng tama sa ulo at katawan at namatay habang ginagamot sa Tanay General Hospital ay nakilalang si Khristoper De Asis, residente ng JM Ca­tolos Extn., Barangay Kay­buto ng nasabing bayan.

Nasa pangangalaga na ng Tanay Police ang mga suspek na kapwa mag-aaral ng Jose Mariana Elementary School.

Naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng umaga sa kahabaan ng M. L. Quezon st. sa Kaybuto.

Naglalakad ang biktima pauwi sa kanilang bahay nang harangin ng mga suspek at magkaroon ng pagtatalo.

Sa gitna ng pagtatalo ay pinagtulungan na  gulpihin ng mga ito ang biktima. Tumigil lang ang mga suspek nang halos lupaypay na ito at walang malay na bumagsak sa lupa. (Edwin Balasa)

Show comments