BULACAN – Naging malungkot ang pagpasok ng 2008 sa mayor at tresurero ng bayan ng Bustos at hindi napigilan ang 90-araw na suspensyong ipinataw ng Sandiganbayan noong Lunes.
Sa 7-pahinang desisyong ipinalabas ni Sandiganbayan Associate Justice Roland Jurado na kinatigan naman nina Associate Justices Ma. Cristina Cortez-Estrada at Teresita Diaz-Baldos ng Fifth Division, sina Mayor Carlito Reyes at Municipal Treasurer Leonardo Del Rosario ay sinuspinde dahil sa pagbili ng mga gamot na ‘di-dumaan sa bidding noong 2006.
Pumalit bilang alkalde si Vice Mayor Teoderico Gervacio ayon sa kautusan ng Department of Interior and Local Government.
Pinabulaanan naman ni Reyes ang akusasyon at walang dahilan upang suspendihin pa siya dahil sa nabusisi na ng Ombudsman ang nasabing kaso bago ang desisyun ng Sandiganbayan.
Sa panig ni Del Rosario, sinabi nito na nauna na siyang sinuspinde ng 90-araw ng Ombudsman kaya hindi na dapat pang suspendihin dahil lalabas na 180-araw ang kanyang suspensyon.
Hindi naman kumbinsido ang Fifth Division ng Sandiganbayan kaya’t ibinasura ang magkahiwalay na mosyon ng dalawa dahil sa kakulangan ng merito kaya ipinatupad ang suspension.
Matatandaan na noong unang Linggo ng Nobyembre ay pinawalang sala ng Sandiganbayan si Reyes sa kasong graft na unang isinampa laban sa kanya matapos manalo bilang alkalde ng Bustos noong 2001. Dino Balabo at Romeo “Boy” Cruz