ILOILO CITY – Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Regional Special Operations Group ang tatlong sibilyan kabilang na ang isang menor-de-edad lalaki na pinaniniwalaang nasa anti-drug watchlist makaraang makumpiskahan ng iba’t ibang uri ng bawal na droga at baril sa isinagawang drug bust operation sa kahabaan ang Benigno Aquino Avenue sa Barangay Taft North, Mandurriao District, Iloilo City, Iloilo noong Biyernes ng gabi.
Kasalukuyang nakakulong at walang piyansang inirekomenda ang piskalya laban sa mga suspek na sina Jun Diestro ng Brgy. Taft North; Ferdinand Vargas, 32, trader at dating disc jockey; at isang 17-anyos na lalaki na namamasukan bilang waiter sa restaurant at kasalukuyang nasa custody ng Balay Dalayunan.
Base sa ulat ni SPO2 Marcos Tio ng Mandurriao police, si Diestro ay miyembro ng Prevendido group at nasa anti-drug watchlist bilang ika-5 big-time drug pusher.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang plastic bag ng shabu na ipagbibili sana sa isang operatiba na nagpanggap na poseur buyer sa halagang P25, 000.
Nasamsam din sa mga suspek ang tatlong medium at small plastic sachets ng shabu, pinatuyong dahon ng marijuana, isang cal. 40 grenade launcher, isang cal. 22 revolver, digital weighing scale at ang kotseng Mitsubishi car na gamit ng mga suspek sa pagtutulak ng droga. Ronilo Pamonag